CHLOE'S INBOX
Chloe’s Inbox – Consistency is the key
August 22, 2019
-


Hi DJ Chloe!
Please hide my Identity po kasi listener po ng Easy Rock ang tatay ko every day. Gusto ko lang po humingi ng advice. Kasi sobrang nasstress na po ako sa buhay ko. I have my own family na with two (2) kids. And naninirahan po kami ngayon dito sa parents ko. Kakapanganak ko lang po kasi one (1) month ago sa pangalawa ko. Nahihirapan po ako kasi napapagod na po ang mama ko sa pag-aasikaso sa amin. Kasi simula po nu’ng nanganak ako sila na po ng tatay ko ang nag-aasikaso sa aming mag-anak. Mula pagluluto, paglalaba ng damit naming mag-anak, hanggang sa pag-aalaga po ng panganay ko na three (3) years old na sobrang kulit. Plus, sila na din po ang HALOS gumagastos sa amin sa pagkain, diaper ng baby, at gastos ng panganay ko po sa school niya. May trabaho naman po ang asawa ko kaso kulang na kulang po ang sinasahod niya para sa amin dahil may motor po siyang hinuhulugan at may utang pa po kaming binabayaran na nagamit po namin nu’ng nanganak ako. Minsan po 1k to 2k lang po ang nahahawakan kong pera, 1k para sa gatas at diaper, 1k para sa panggastos namin dito sa bahay. Minsan na lang po ako magkapagbigay sa mama ko ng pera kapag alam kong sobra po ang aming pera. Ngayon po, nagalit ang mama ko kasi napapagod na daw po siyang mag-asikaso sa aming mag-anak. Dahil LIBRE na nga daw po kami sa lahat ng gastos eh asikaso pa daw po kami. Nagagalit po sila kasi hindi ko po maasahan ang asawa ko sa mga gawaing bahay at pag-aalaga ng baby. Sa madaling salita po eh tamad po ang asawa ko. Kapag may inuutos po ang mga magulang ko eh hindi niya po nagagawa, minsan. Ang sabi po ng mama ko kagabi kung gusto daw po namin ay lumipat kami sa bahay ng byenan ko para sila naman daw ang maghirap sa amin. Ayaw ko naman po dahil sa may ugali ang mga kapatid ng asawa ko. Kagabi bago kami matulog ng asawa ko ay sinabi ko sa kanya na dapat next year ay makapg pagawa na kami ng bahay dahil lumalaki na ang aming pamilya. At ang sagot niya po sa akin ay. . . “Saan naman makakapagpagawa?” Tapos tinalikuran na niya ako. Hindi ko na po alam ang gagawin ko sa aming buhay. Sobrang stressed na po ako. Gusto po ng mga magulang ko ay bungangaan ko ang asawa ko para makaisip naman na tumulong sa’min dito sa bahay kahit pagtatapon man lang daw ng basura. DJ Chloe, paano po ba ‘to? Hindi ko na po kasi alam.
Maraming salamat po,
Simsimii
Simsimii gurl,
Bakit naman kasi ang banat mo agad ay mag pagawa ng bahay? ‘Di na nga kayo magkanda-ugaga pano pagkakasyahin kinikita niya sa diaper at gatas, papagawa pa ng bahay?
I can truly understand your parents, dumaan din ako sa ganyan, nakitira both sides, hanggang bumukod (wala ng sasarap pa sa nakabukod at hindi nakikisama both sides), hanggang sa mag-isa na lang ako at mga anak ko. Mas masaya para sa’kin na kami na lang, hahahaha!
Bakit kasi hindi naman kayo tumulong sa gawaing bahay, since balwarte mo ‘yan, dapat sa’yo magsimula, obligahin mo si mister, dapat kayo na naglalaba man lang ng sarili niyong mga damit, my gad, inalipin niyo naman parents mo, girl!
Nag-asawa ka na’t may anak ka na hindi mo pa alam pano makisama? Kahit mga magulang mo ‘yan mapupundi talaga ‘yan. Dagdag isipin pa nila kayo imbes na pang maintenance na nila pera nila, ipambibili pa ng gatas ng mga anak niyo.
Sabi mo kakapanganak mo pa lang sa pangawala, one month ago, sinundan niyo agad ang panganay ng walang kaplano-plano pano itataguyod ‘yung nauna, sinundan pa. The moment kaya mo ng kumilos, the first thing you do is to ensure na hindi ka magbubuntis muna ulet. Hindi po-problemahin ng asawa mo ang family planning believe me, kaya obligasyon mo ‘yan sa sarili mo na ‘wag padamihin ang anak niyo. Take care of your body.
Now once you are able to do things, medyo recovered na sa pangananak, mag-isip ka na ano ang maitutulong mo para sa income niyong mag-asawa.
Grow up! Start working! Find a job, do business! Aba neng, may maliit akong anak gumagawa ako ng embutido, binebenta ko. Dala ko embutido karga ko pa anak ko.
‘Wag puro reklamo, ‘wag puro plano, ‘wag puro hanash. Kilos kilos din pag may time.
-
COMMENTS















